Hapung-hapo akong umalis sa opisina. Halos mabingi na ako sa sipon, at tuliro sa dami ng iniwang trabaho. Idagdag mo pa ang nakakalulang gusaling nakapaligid sa aking nilalakaran. Habang naghihintay sa sakayan ng mga bus, sinabi ko sa aking sarili, “ Ayokong sumakay sa tayuan, kawawa naman ako. Iyon na lamang ang tangi kong libre sa sarili ko—ang makaupo sa biyahe.” Pinalipas ko ang tatlong bus, kasi tayuan. Hanggang sa dumating ang isang bus na parang sa dulo lamang ng Ayala nagsimulang magsakay. Pagkatigil ng bus sa aking harapan, dali-dali akong tumalon at humanap ng aking mauupuan. Hay salamat.
Naglabas ako ng bente pesos para sa sampung pisong bayad. Pumikit muna ako habang nag-aantay sa konduktor na singilin ako. Dumidilat ako kapag takaw-atensyon ang ibinabalita ni Jay Sonsa sa telebisyong nakakabit sa bus. Pero napaisip ako. . . Nagbabalita na pala ulit si Jay Sonsa? Ano’ng estasyon kaya iyon?
Maya-maya, bigla na lamang isinara ang TV at may nagsalita sa mikropono. Naku! Nasaan na ba ako? Mali ba ako ng nasakyan? Anu nang nangyayari?!
“Magandang gabi po sa inyong lahat, kayo po ngayon ay kasalukuyang nasa libreng bus na handog ng UNTV37. Ito po ay isa sa mga public service na inihahatid sa inyo ng estasyon na ito, sa tulong ni Brother Ely Soriano ng Ang Dating Daan.”
At nagpaliwanag na ang lalaki nang tuluyan. Biyaheng Ayala-LRT Leveriza kami noon. Ang dami niyang nasabi tungkol sa kanilang estasyon: sa “Good Morning, Kuya!” ni Daniel Razon, sa libreng sakay, job fair, sa paying legal, at marami pang programa. Kumonekta pa kami sa estasyon. Muntikan pa akong makita sa TV.
Naisip ko lang, buti pa si Ely Soriano, naisip maghandog ng libreng bus. Sobrang yaman na niya siguro. Hindi malabo. Pero bakit ang mga senador at kongresmang tumatanggap ng pork barrel, hindi maisip ang ganoon? Ngayon, maniniwala na ba tayo sa mga pangaral ni Brother Ely? O patakbuhin kaya natin siya sa senado sa susunod na eleksyon?
Public Service. Serbisyong pampubliko. Ito ang pangunahing tungkulin ng mga namumuno sa bansa natin ngayon. Nararamdaman niyo ba? Nakikita niyo ba? O sapat na ang naglalakihang tarpaulin at billboard ng kanilang mga mukha sa bawat imprastrakturang kanilang napapangunahan? O kaya ang mga TV commercials na nagmamalaking pinagsisilbihan nilang mabuti ang mga nangangailangan?
Kailan kaya tayo makakahanap ng tamang taong tunay na magsisilbi sa publiko at hindi sa mga elitistang nais sakupin ang mundo?
Hindi ko ba kayang ako na lamang, sa sarili at munti kong paraan, ang magbigay ng libreng sakay sa aking mga kababayan tungo sa kaunlaran? Kailangan ko pa ba talagang mangampanya, magpalakas, at magpaboto sa mga tao?
Malamang kaya ko. At mararamdaman ko rin ang puntong kailangan ko nang kumilos. Ngayon na ba ito? Hindi ko alam. Makikita niyo na lang ang inyong sariling kasama na sa aking libreng sakay.
Ay, hawak ko pa rin ang bente pesos ko.

May liwanag na makikita sa iyong artikulo 

