Bb. Balakutsa. . . nadarama ko ang iyong paghihinagpis. . .
Minsan hindi rin masusukat sa tagal ng panahon kung nararapat bang ipaglaban ang isang pag-ibig. Nasa lalim din iyon ng inyong samahan at ang pagnanais ninyong ipagpatuloy ito. Mahirap yung ikaw lang ang lumalaban, ngunit di ko sinasabing ikaw ay sumuko.
Kung ako iyan, ipaglalaban ko hanggang sa abot ng aking makakaya ang aking pag-ibig. Kapag dumating ang puntong masasabi ko sa sarili kong nagawa ko na lahat pero wala pa ring nangyari. . . dun lang ako bibitiw. Kahit papaano, masasabi kong "ginawa ko ang lahat". Lagi kong inihahantulad iyan sa pag-aalaga sa isang mahal sa buhay na may sakit. Mas maluwag sa pakiramdam kung mawawala ang taong iyon nang naalagaan natin at napagtuunan natin ng hirap at pagod. Nawala man siya, naibigay natin lahat. Naiparamdam natin ang ating pagmamahal. Wala tayong panghihinayangan. Hindi ba?
Laban lang Bb. Balakutsa. Paano mo malalamang nagawa mo nang lahat? Kapag sobrang hirap ka na, magdasal ka sa gabi, humingi ka ng tulong sa KANYA. Pagkagising mo sa umaga, ang unang-una mong maiisip ang siyang kasagutan. Sa akin ay gumana ito.

Maaaring magising kang ang sinasabi mo pa rin sa iyong sarili ay "Sige, kaya ko pa" at maaari rin namang "Tama na, naibigay ko na'ng lahat".
Sana'y nakatulong ang maikli kong pagpapaliwanag. Tuloy lang ang buhay.

Pilipinas, magsisilbi ako sa'yo.