Nagmamadali akong makarating sa opisina, pagkat ang oras sa aking mobile phone ay maaga ng mahigit 30 minuto. Mataas ang takong ko at pinipilit ko lamang maglakad nang maayos. Ngunit sige.kaya ko 'to.
Nang ako'y nasa huling kalye na ng aking pang-araw-araw na daanan, may napansin akong bagay na gumagalaw at paikut-ikot sa harapan ng tindahan ng juice sa ground floor ng isang kondominyum...
Binagalan ko ang aking lakad, hanggang sa napansing isang MAITIM, MALAKI at MALUSOG na daga pala ang tila ginawang palaruan ang nasabing lugar. Parang asong naghahanap ng maliligawan. Nagmamadali syang lumiko at tumungo sa likuran ng isang plantbox. Tamang-tama, nang ako'y dumaan. . . bigla siyang sumulpot sa gilid ng sidewalk! Ako'y nagulat at muntikan nang sumigaw at mawalan ng balanse dahil sa aking takong. Dumerecho ako ng lakad habang siya'y papatakbo sa parking lot sa katabi ng kondominyum. Sumilit sya sa may damuhan ngunit... hindi pa ako nakakalayo ay bigla na nman siyang lumabas! At para namang pusang may hinahabol na ipis. Pabalik-balik!
Wala akong magawa kundi tumuloy sa aking paglalakad. Hindi ako makatakbo. Ngunit hanggang makarating ako sa opisina, kumakabog-kabog pa rin ang dibdib ko-- nag-aalalang kasunod ko pa rin ang dagang nakita ko.

