Isang ala-ala mula sa aking kabataan.
Isang bakasyon sa eskwela, kasama ang aking nag-iisang kapatid kami ay nagbakasyon sa aming lola sa pampangga. Sa loob ng compound ay maraming punong kahoy; santol, kaymito at bayabas. Ang mga ito ay pag-aari ng pinsan ng aming lola na syang nagbawal sa amin na huwag mamimitas ng bunga. Ka-edarin din sya ng aming lola, at sya ay isang napakasungit na matandang babae.
Dahil kaming magkapatid ay mga musmos pa lang at madaling ma-bored, isang napaka-agang umaga, kami ay di nakapagpigil na ma-akit ng mga bunga ng bayabas. Dala na rin ng panghihinayang sa mga bunga na tinutuka lang ng mga ibon kung kayat napagpasyahan namin na ako ang aakyat sa mga bunga at sya ang "watch-out".
Akyat ako sa puno ng bayabas.
Bawat napitas na bunga ay maingat na inilalagay sa duyan ng damit na nagawa sa pagkakagat sa dulo ng baba ng tiyanan ng suot na t-shirt. Ang aking kapatid ay nasa ibaba lang at nakabantay ng masid sa pinto ng likod ng bahay ng masungit na manang. Ang aming "game plan" ay: sa pagkakataon na marinig nya ang tunog ng kandado ay ora mismo syang sisipol upang ako ay magmadali ng baba mula sa puno.
Walang anu-ano at bumukas ang pinto na saglit lang tumunog ang kandado. Dahil sa pagkakabigla at nerbiyos, walang sipol na lumabas sa pagkaka-ihip ng aking kapatid. Ngunit di naman nya talaga kailangan pa sumipol dahil narinig ko agad ang pinto at ang mabilis na yabag na lumakad mula dito. Wala ng sapat na sandali upang makababa ng puno kung kayat nanatili ako sa aking pwestong nakadapa sa isang sanga. Gayun din ang aking kapatid, di na makakatakbo dahil pagbukas palang ng pinto ay nakita na syang nakatayo sa gilid ng puno. Ang lumabas ng pinto ay ang asawa ng manang, may dala-dalang isang basong tubig?!
Alam ko na hindi nya ako makikita habang ako ay nasa itaas at kung ako ay hindi gagawa ng anumang ingay.
Ilang yabag pa nya at sa paglapit nya sa aking kapatid, sya ay huminto sa mistulang tapat ng ilalim ko.
Anong ginagawa mo? Ang aga-aga ah gising ka na, tanong nya sa aking kapatid. Nananaltik lang po ng ibon, sagot ni utol. Asan ang iyong kuya?, pahabol nya. Tulog pa po eh, nakakabilib na instant thinking ng aking utol.
Sobra parin ang ramdam kong nerbiyos sa taas. Eh wag ka na mananaltik ng ibon at baka makabasag ka pa ng salamin ng mga bintana o kaya naman ay makatama ka pa ng ibang tao, pangaral ni manong sabay higop ng tubig sa kanyang baso at magsimulang magmumog! Sabay tingala! At inakupo, nagkatitigan kami at parehong nanlaki ang aming mata!
Na-ibuga nya ang ilan at nalunok naman nya ang natira sa kanyang minumumog. Nang mga sandaling ito ay hindi na napigilan ng aking kapatid ang pagtawa at sya nga ay napahalandusay sa lupa at naglulupasay na tumatawa ng pasigaw!
Bm-bumaba ka dyan, nabulol na sabi ni manong sa akin.
Sa aking pagbaba, may nahulog pa yatang mga bunga mula sa aking damit. Kahiya!
Hanggang ngayon tuwing ma-aalala ko ito, natatawa pa rin ako.
Kung sinabi na lang kaya namin na binubugaw lang namin ang mga ibon doon? Hmm...
Ahihihihi! 


