Di ako mayaman. Kaya sa pablik iskul lang ako nag-aaral. Hindi bababa sa 40 ang kasama ko sa aming klasrum. Maingay. Magulo. Hindi kabanguhan. Ang titser namin, kapag dumarating, parang nakakaharap ang isang napakalakas na bagyo.
Marami kaming ginagawa sa paaralan. Ngunit hindi rin naman lahat sa amin ay natututo. Yung iba, walang pakialam kung may pinapasagutan ang guro, o kung may kailangang gawing proyekto. Sino nga naman ang gaganahang mag-aral habang tumatagaktak ang pawis? Pero may mga kaklase akong pambihira ang talino. Mahirap din sila pero hindi ko maintindihan kung paano nila nagagawang maging magaling sa klase kahit walang ilaw sa kanilang bahay. Napakahirap mag-aral nang ganun.
Ano kaya ang pakiramdam ng nag-aaral sa praybeyt skul? Duon may erkon. O kung hindi man, mas maraming gumaganang bintilador. Tapos maayos ang mga upuan. Ang mga kaklase ko, pagandahan palagi ng mga gamit. E paano kaya ako? Maganda rin kaya ang turo duon? Dapat lang. Dapat mas maraming ginagawa kaysa sa amin.
----
Ngayong hayskul, pinag-aral na ako ng nanay ko sa praybeyt. Kasi hindi raw kagandahan ang kalidad ng mga pablik sa lugar namin. Nakakatuwa. Feeling mayaman na rin ako.
Pero ilang buwan pa lamang ako nag-aaral dito, kung anu-ano na ang naranasan ko—suntukin ng kaklase, kulitin na maaari ko na rin sabihing binabastos na ako, hinihiraman ng gamit at hindi na isinasauli, at utus-utusan ng aking mga “kaibigan”. Nung isang araw, sumugod ang nanay ko sa skwela. Paano, yung isa kong kaklase, kinukuryente ako gamit yung bolpen na uso ngayon. Masakit yun. Nakakatakot. Kinausap ng nanay ko ang titser ko. Ang sagot ni Ma’am, “Pagpasensyahan nyo na po, galing po kasing PUBLIC SCHOOL ang karamihan sa mga estudyante namin ngayon kaya magugulo. Dito pa lamang namin hinuhubog ang GOOD MANNERS nila.” Nagpantig ang tenga ng nanay ko, kasi nga naman, galing akong pablik. Sabay bawi ni Ma’am, “Hindi naman ho lahat.”
Bakit ganun si Ma’am? E ang kaklase ko namang nanloko sa akin, sa skwelahan ding iyon nag-aral ng elementarya.
Kapag pablik, parang kakabit na ang mga salitang—mahirap, magulo, walang modo, mahina.
Kapag praybeyt, kabaligtaran daw ng nasa pablik.
Hindi ako naniniwala.



