Hindi ko naman isasalaysay dito ang istorya ng pelikula kundi ilalahad ko lang ang prinsipyo at pilosopiyang gustong iparating ng nasabing pelikula.
Tayong mga Filipino (ano ba ang mas tama? Filipino o Pilipino? Ano ang pinagkaiba?) ay may ugali o nakasanayang kultura ng pagtanaw ng utang na loob. Ito ang pagsukli sa mga mabubuting bagay na ginawa sa atin ng isang tao, grupo, samahan o institusyon.
Mabuti ba itong kultura o hindi?
Ito ay mabuti. Yan ay dahil nais nating ibalik ang kagandahang ipinakita sa atin ng taong tumulong sa atin. Marahil tayo rin ay tutulong sa kanya sa oras na siya naman ang magailangan.
Subalit madalas ay mali ang interpretasyon o pang-unawa ng ating mga kababayan sa kultura nating ito. Madalas ito pa ay inaabuso ng mga taong sakim, tuso at may iba't ibang motibo na madalas ay ang manlamang sa kapuwa.
Mga resulta at halimbawa ng maling paniniwala:
Madalas ang nangyayari ay walang katapusang pagbabayad ng utang na loob. And taong tinulungan, sa kanyang pakiramdam ay dapat niyang suklian ang ginawang tulong sa kaniya ng isang tao ng pang habang panahon, masaklap ay pati ang kanilang anak ay kinakailangan pang magbayad ng utang na loob na ito.
Madalas itong nangyayari sa mga kanayunan at probinsya. (Hindi lang ako sigurado kung ito ay nangyayari pa rin sa mauunlad na lungsod natin)
Ang ganitong pangyayari ay maaring boluntaryong ginagawa ng taong natulungan. Subalit may mga pangyayari rin namang ito ay sinisingil talaga sa kanila ng taong tumulong sa kanila.
Sa pang-araw-araw nating pamumuhay, ito ay kadalasan ding nagaganap. Inaasahan ng taong tumulong sa kapwa na siya ay masusuklian sa kabaitang kanyang ipinakita.
Senaryo:
Pedro: Juan pautang naman ako ng salapi.
Juan: Pasensya ka na kapatid subalit wala akong salaping maibibigay sa iyo ngayon.
Pedro: Bakit ka naman ganyan kaibigan? Naalala mo ba noong panahong nangangailangan ka? Nung ang misis mo ay nanganak, sino ba ang nagpahiram ng kalabaw at paragos para madala mo ang misis mo sa manghihilot? Nung... (at marami pang mga bagay na isusumbat hanggang sa wala ka ng magawa kundi ang magpa-utang o kaya naman ay masira na ang inyong pagkakaibigan ng dahil lang sa maling paniniwalang ito.)
Tama pa ba ang ganitong kultura? Ano sa tingin ninyo?
(teka ito na yung simula talaga ng paksa)
Sa aking palagay at ito rin ang prinsipyo ng pelikulang "Pay It Forward", mas magiging maganda sana kung ang bawat tao o Filipino, imbes na tumanaw ng utang na loob o maghintay at umaasang ang kabutihang kanilang ginawa sa kapwa ay masusuklian, bakit di na lang "Pay It Forward"!
Ipapaliwanag ko ang ibig sabihin ng "Pay It Forward".
Ayon sa pelikula, (sa aking pagkakatanda):
Kung ikaw ay may natanggap na magandang bagay o ikaw ay natulungan ng ibang tao dapat ay ipamahagi mo ang biyayang natanggap mo sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa. Mas maganda marahil ay kung may isang taong tumulong sa iyo, tumulong ka sa dalawa o sa mas marami pang tao. Pagkatapos ay sabihin mo sa taong iyong tinulungan na wag na siyang tumanaw ng utang na loob sa iyo bagkus ay tumulong rin siya sa ibang taong nangangailan. Kaya "Pay It Forward".
Isipin na lang natin kung lahat ng Filipino ay ganito ang gagawin.
Maari itong magkaron ng "Networking Effect" (na marahil ay mai-a-associate ko sa "Butterfly Effect" - Anong tagalog ng associate?).
Ihahalimbawa ko na lang ang aking sarili. Ako, dahil sa napagtapos ako ng aking mga magulang sa pag-aaral ay nagnanais na maibahagi sa aking kapwa ang biyayang ito. Ako ay nagbabalak na magpaaral ng isa o mas marami pang bata na hindi ko naman kaano-ano at kakilala (marahil hindi pa lang sa ngayon). Maaring sila rin, sa pagtanaw ng utang na loob, ay magpaaral din ng ibang mga bata. Kung ako ay magpapaaral ng limang bata, at bawat isa sa kanila ay magpapaaral rin ng lima o higit pa, at ang kanilang mga pinaaral ay ganun din ang gagawin, at magtuloy-tuloy ito hanggang sa mga susunod pang mga henerasyon. Di kaya nito masolusyonan ang problema natin sa edukasyon? Marahil hindi sa susunod na 10, 20 taon. Pero kung iisipin natin ang pangmatagalng epekto nito, ako ay umaasa na marahil, maibsan nito kahit paano ang problema natin sa edukasyon.
Parang Butterfly Effect, ang maliit na tulong na iyong ginawa, sa kalaunan ay isang malaking pagbabago ang magaganap.
Sana po ay nagustuhan ninyo ang ideyolohiya kong ito at ang aking paraan ng pagsusulat. Pagpasensyahan ninyo na lang kung may kaguluhan ang pagsulat ko at parang napakahaba, ginagawa ko kasi ito sa oras ng trabaho (nanaman) at isinisingit ko lang at putol-putol ang pagsulat ko. Kung kaya maaring hindi buo ang diwa ko.
Sana ay magkaron ito ng "Butterfly Effect" sa atin, sana'y sa isinulat ko, maaring isa sa atin kung hindi man ako, ang makapagsimula ng ganitong gawain.
Kung ikaw man ay may napulot sa aking mga sinabi, "Pay It Forward".
