</center>
Isang munting mamamayan, isa lamang sa lipunang saksi sa nagaganap na kahirapan at kalugmukan ng Inang Bayan, ay pinuspos ng lungkot at panghihinayang sa nasasaksihang pagbagsak ng kaniyang lahi. Nasan na nga ba ang nakilalang dangal ng kaniyang kinabibilangang lipi? Hindi ninya matanggap ang nasasaksihan, asam niya ay magbago ito.
Sa kaniyang kalungkutan at panghihinayang ay sadyang nabakas ang kaniyang wagas na pagmamamahal. Ito pala ay ang dakilang pagmamahal sa sarili niyang katauhan. Ito ay matapos maliwanagan -na siya pala at ang lahing Pilipino ay katauhang iisa.
Dahil sa nasabing pagkaliwanag, ang kanyang puso ay nilukob ng pag-a-alala. Nabagabag dahil hindi ninya alam ang susunod na magagawa mula doon. Ang alam lang niya ay ang nabanggit na pagmamahal. Ano nga ba ang kaniyang magagawa? Ano nga ba ang makakaya ng mayroong pagmamahal?
O kay tagal niyang nabalisa. Ilang taon ang binilang. May mga gabing di natulugan. Hanap-hanap niya ang kasagutan.
<center>
</center>
Sa patuloy na pagiging saksi, iminulat pa niyang lalo ang kanyang mga mata at binuksan pa ang kaniyang isipan, upang hantungin ang punot-dulo ng lahat ng kaniyang nasasaksihan.
Kaladkad ng kaniyang dakilang pagmamahal, bagamat inabot ng ilang kawalang pag-asa, ay hindi sumuko at tinanggap pang may giliw ang nagiging saysay ng kaniyang buhay. Ang saysay na iyon ay ang magsilbi bilang isang munting puwersa. Puwersa ng pagbabago.
Sa kaniya ring mga mata ay tumambad ang kasagutan.
At mula noon ay kay dalas ng paghiling na sanay mapahiram niya ang kaniyang mga mata para sa kaniyang minamahal na lipi. Ibig lang niyang ipakita kung ano ang mga natuklasan ng kaniyang mga mata, upang sa gayon ay ma-i-hawa ang agimat na natanggap doon.
<center>
</center>
Pagbabago. Pag-unlad.
Pag-aaklas nga ba ang kasagutan? Kaniyang nakita ang mga nangyaring pag-aaklas laban sa pamahalaan, at samut-saring pangyayari na napatalsik ang mga namumuno. Ilang pangulo na nga ba ang na-alis ng mamamayan sa pagkaka-luklok, ngunit hanggang ngayo’y dama pa rin ang paghihirap ng Bayan. Hindi niya makita na ito ang kasagutan, kahit ulit-ulitin pa ito ng mamamayan.
Pananampalataya ba sa May Kapal ang kasagutan? Kaniyang batid na may Panginoon na puno ng pagmamahal at kapangyarihan, ngunit natutunan din niya na may itinakdang pamantayan. Itinakda ng May Kapal na kapag ang isang punla ay ma-itanim sa matabang lupa at angkupan ng tamang panahon, ito ay sisibol. Ang itinakdang ito ay sakop ng kung tawagin natin ay ang “Batas ng kalikasan”. Lahat ng bagay ay sakop ng kaniya-kaniyang sariling itinakdang Batas, maging sa patutunguhang pamumuhay ng isang lipunan. Hindi itinakda ng Batas na lumitaw na lamang ang isang puno na hindi isasakatuparan ang mga kailangang sangkap. Gayun din ang Batas para sa pagbabagong ina-asam. Lahat ng isang pagkakaganap ay may itinakdang kasangkapan. Kung kayat nabatid niya na kung Pananampalataya lang na mag-isa, ay hindi parin ito ang wastong kasagutan.
(...may karugtong)

