Di pa yata ako ipinapanganak ay usapan na ito at sadya namang naiintindihan ko kung bakit talaga namang ika nga eh kontrobersyal ang paksa sa kung sino talaga sa dalawa ang kapatdapat na tanghaling "Pambansang Bayani"
Bago siguro tayo magbigay ng kanyang sariling opinyon dito ay marapat lang siguro na alamin muna ang mga kriterya na binuo para matanghal na Pambansang Bayani.
Sa aking pagkakatanda ay ang mga sumusunod.
1. Isang Filipino (kailangan pa bang imemorize yan

)
2. Naging dahilan ng rebolusyong masa o pagbabago para sa sariling lipunang kalahi.
3. May ipinamalas na katangi-tanging pagmamahal sa inang bayan.
4. Nasawi dahil sa pagmamahal sa bayan.
5. Makulay ang naging buhay.
6. Isang magandang uliran ( o modelo) para sa mamamayan.
Pasensya na kung may kulang at kung hindi "accurate" ang mga inilahad kong criteria. Base lang kasi ito sa aking na-alala noong inaral sa social studies sa kolehiyo. Marapat siguro na mangalap pa kayo ukol dito.
Samantala sa aking mga nilahad na "criteria" sa aking opinyon parehong pasado si Pepe at si Kaka.
Balikan natin ang kasaysayan ng rebolusyon Filipino. Sumiklab ang malawakang pag-aaklas para sa kalayaan ng masawi si Pepe, sumikad naman ito dahil sa Katipunan ni Kaka.
Sa aking mata ang katipunan ay isang "brewing potential energy" at ang pagkamatay naman ni Pepe ang syang nagpa-alpas dito. Ang pagkasawi ni Pepe at ang kanyang mga nobela ang syang gumising sa mga natutulog na damdamin. Ngunit pano na-abot ng mga nobelang ito ang mga Filipino? Ito ay dahil din sa tulong ng Katipunan ni Kaka. Ginamit ng Katipunan ang mga nobela at pagkamatay ni Pepe bilang isang "angkop na propaganda" upang hikayatin pa ang maraming Filipino na umaklas laban sa Espanya.
Sa aking palagay walang malawakang rebolusyon nangyari kung dahil lang sa pagkamatay ni Pepe, gayun din naman sa Katipunan ni Kaka; wala ring nangyaring malawakang rebolusyon kung Katipunan lang ang makikita ng mga Filipino. Samakatwid parehong kailangan ang dalawang sangkap upang pumutok ang malawakang pag-aaklas laban sa Espanya noon.
Sino sa dalawa ang nagsisimbolo ng isang Filipino? Sa aking mata, pareho. Totoong mas maraming lugmok sa kahirapan, ngunit yun ba talaga ang gustong imahe ng isang Filipino? Totoong yan ang katotohanan na mas marami ang nasa kahirapan, ngunit anong estado ba talaga dapat ang sisikapin ng isang Filipino?
Sigurado ako na ang gusto ni Kaka ay sundan sya ng maraming Filipinong mahihirap na kahit na nasa gitna ng kahirapan ay malaki parin ang magagawa para sa bayan. Ngunit karugtong nito ay alam ko rin na hindi gugustuhin ni Kaka na manatiling mahirap ang bawat Filipino.
Si Pepe naman ay magandang modelo rin, bagamat mayaman ay hindi itinangi ang kanyang estado sa buhay upang diskriminahin ang mahihirap na kapwa, bagkus isinugal din nya ang kanyang buhay tulad ni kaka sa lahat ng Filipino, mayaman o mahirap.
Kung ako talaga ang masusunod, Dalawa ang gagawin kong Pambansang Bayani.
Ngunit kung ako talaga ay pipilitin pumili, pipili ako base lamang sa mga kriterya na nabanggit. Kung isasama pa ang karagdagang kriterya ay siguradong ibang usapan na ulit
Ang pipiliin ko ay si Pepe. Iyon ay dahil lang sa aking opinyon na naging mas makulay ang kanyang buhay kaysa kay Kaka. Andiyan ang kanyang mga nobela, mga propesyon, mga bansang napuntahan, mga karanasan sa piitan, mga tula, mga panulat, mga sining, at siguro kahit hindi naman angkop sa pagkabayani ay ang mga babae sa kanyang naging buhay.
Im sure kung may "kaya" din si Kaka ay maa-ring marami rin syang napuntahan, naipambayad sa pangimprenta ng mga magagawang nobela. Di na sya (si Kaka) madi-"distract" ng kanyang pangangailangang magtinda ng abaniko laban sa oras na dapat ay naigugugol pa niya sana sa Bayan.
Pareho ko silang "Idol". Pareho ko silang "Mahal". Pareho ko silang "pinasasalamatan". Pareho ko silang "tutularan". Pareho ko silang "Ninuno", "Impo", "Kadugo", "Kalahi"...
Sa aking mata pareho silang "undisputed" na Bayani ng aking Pagkatao!
